Ginang:
Noong una kang dumating, wala akong masyadong naramdaman para sa iyo. Natuwa lamang ako sa paglisan ng nauna sa iyo. At katulad ng marami, umasa ako na magbabago ang lahat. Na aalalahanin mo ang mga taong naging dahilan sa pagdating mo. Na tatandaan mo ang naging dahilan ng pagkakapalit sa nauna.
Ako'y nagkamali.
Hindi ako nagkamali sa pagkilos upang mawala ang nauna. Nagkamali ako, kaming lahat, dahil nagtiwala kami sa iyo. Noon pa man, hindi ka pala dapat naming binigyan ng pagkakataon.
Sa pangalawang pagkakataon, sinigurado ko na hindi kita pipiliin. Mas pinili ko pa ang tao na wala pa sa kalahati ng karanasan mo. Na wala pa sa kalahati ng kalahati ng pinag-aralan mo. Dahil siya lamang ang may kakayahang tumapat sa iyo. Dahil naisip ko na mas mabuti pa ang taong walang alam. Kaysa sa taong maraming alam, na gagamitin lamang ito sa kasamaan.
Dahil masama ang kutob ko sa iyo. Dahil marami na akong narinig sa unang pagkakataon mo. Marami nang nakita. Maraming tanong na 'di nasagot. Maraming pangakong 'di natupad. At umasa ako na hindi ka mabibigyan ng pagkakataon muli.
Ako'y nagkamali muli.
Minaliit ko ang kakayahan mong magsinungaling. Magnakaw. Gumamit ng panloloko at dahas. Wala sa hitsura mo, ngunit isa ka palang mabangis at marahas na nilalang. Nakakatakot.
Hindi mo na sinayang ang pangalawang pagkakataon. Ang mga bagay na masasasabi nating ginawa mo ng patago noon, naging lantaran ngayon. Pinahirapan mo kami ng husto, habang nagpasarap ka at ang mga malapit sa iyo. At nang kwestyunin ka sa mga bagay na ito, minanipula mo ang batas upang maging pabor sa iyo. At hindi sa amin. Kami na tunay na nangangailangan nito. Dahil ito lang ang kalasag namin sa mga katulad mong hayok sa kapangyarihan.
Sukdulan na ang paglalapastangan mo sa amin. Tunay na ngang isinusuka ka na ng lahat. Ikaw at ang mga kasama mo.
Ngunit hindi ka pa rin umalis. Nagmatigas ka. At ngayon, dahas at armas na ang inihaharap mo sa lahat ng magtangkang tumutol sa pagmamalabis mo. Ipinahuli mo ang mga pinuno na nagtangkang alisin ka, sa ligal na pamamaraan. Na naiharang mo naman dahil marami ka palang tuta na kabilang sa institusyon nila. Ipinasara mo na rin ang isang pahayagang naging kritikal sa panunungkulan mo. At binantaan mo na ang lahat. Na kanyon ng tubig, baston, at bala ang ihaharap mo sa lahat ng hindi sumang-ayon sa iyo.
Akala mo ba tatahimik kami?
Ang mga kritiko mo ay hindi lamang nasa pahayagan. Hindi lamang nasa mga magagarang gusali kung saan walang tigil ang bangayan, habang ang mga dapat pinagsisilbihan ay namamatay sa gutom.
Narito pa kami: Sa mga kalsada. Sa mga paaralan at pamantasan. Sa mga pabrika. Sa mga malalawak na lupain na pinagtatamnan namin ngunit hindi namin pag-aari. Narito kami. Nakikinig. Nagbabasa. Pinagmamasdan ka.
Kung away ang hanap mo, away ang ibibigay namin sa iyo.
Away na hinding-hindi mo makakalimutan.
Ikaw ang humamon. At ngayon, sasagot na kami.
Sige. Laban.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

0 comments:
Post a Comment